Skriv ut

on .

Ang Unggoy at ang Pagong 2

ANG UNGGOY AT ANG PAGONG  2
Hango sa kuweno ni:
Zenaida Z. Tolentino

apan_mm2 

Ang unggoy ay laging nagbabantay sa pampang ng ilog. Alam niya na hindi maglalaon at lilitaw rin ang pagong.

”Makikita niya”, ang nagngingitngit na wika ng unggoy.”Maghihiganti ako sa kanya. At kapag nahuli ko siya, tiyak na mamatay ang pagong na iyan sa aking mga kamay.”

Samantala ang pagong ay matalas na nakikiramdam sa unggoy. Alam niyang hanggang siya ay nasa tubig hindi siya mahuhuli ng unggoy. Nguni`t hindi siya lubhang makatagal sa tubig. Ibig na ibig niya ng sariwang hangin. Ibig na ibig niyang magbilad sa araw. Kaya`t ang pagong ay umahon sa pampang kung wala ang unggoy.

Isang araw ang pagong ay lumalanghap ng sariwang hangin. Siya ay nasa lilim ng isang malaki at malagong puno ng sili.Ang sili ay hitik na hitik ng bunga. 

      

”Huli ka!” ang wika ng unggoy at agad hinawakan ng mahigpit ang pagong sa leeg.

”At sa wakas bumagsak ka rin  sa aking mga kamay!” wika ng unggoy. ”Ito na ang huli mong sandali. Ngayon din ay puputulin ko ang leeg mo.”

Bahagyang pinalaki ng pagong ang kanyang boses at nagwika, ”Ako ay ibang pagong. Ako ay may ibang gawain.””Aha! Kung ganoon ikaw ay ibang pagong. Ano ang gawain mo?”

”Binabantayan ko ang punong siling ito. Baka may kumuha ng bunga nito. Mauubos ang gamot ng aking nanay sa namumulang mata.”

”Ano? Gamot ang bunga ng sili sa namumulang mata? Paano ito ginagawa?

”Madali lang . Hindi mo ba alam? Kunin mo ang pinakamalaki at pinakamapulang bunga. Dikdikin mo itong mabuti. Pagkatapos, ikuskos mo nang mariin sa iyong mata.”

”Ganoon pala. Ang tagal-tagal kong naghihirap sa pamumula ng aking mata.” Dali-daling binitiwan ng unggoy ang pagong. Humanap siya ng pinakamalaki at pinakamapulang bunga ng sili.

”Huwag! HUwag! Para mo ng awa. Putulin mo na ang leeg ko. Patayin mo na ako! Huwag mong kunin ang gamot ng nanay ko!”

Ngunit mabilis na kumuha ng sili ang unggoy. Dinudrog ito nang pinung-pino at ubos diing ikinuskos sa kanyang mga mata.

”Ang walang hiya! Ngayon ay hindi na siya makakaligtas sa akin. Mahigit na isang linggong namaga ang aking mga mata. Muntik na akong mabulag.”

Ang unggoy ay nagpalakad-lakad sa tabi ng ilog. ”Makikita ko rin siya. Aahon rin siya.”

Matiyagang nagbantay ang unggoy. Nagpalipat-lipat siya sa mga punong nakatanim sa magkabilang pampang ng ilog. Nagtiyaga siya sa pagbabantay sa pagong.

Isang araw namataan ng unggoy ang pagong na naglalakad sa pampang. Bigla siyang tumalon sa harap nito.

”Saan ka pupunta magaling na pagong? Tingnan mo ang nangyari sa mga mata ko. Hanggang ngayon ay mahapdi pa. Muntik na akong mabulag. Hindi ka na makakaligtas ngayon. Ito na ang iyong wakas.”

Sumagot ang pagong sa matinis at ipit na tinig. ”Ako ay ibang pagong. Iba ang aking gawain.”

Matamang nag-isip ang unggoy. ”Iba nga ang kanyang tinig. Hindi ito ang luminlang sa akin.” Nguni`t humarang rin ang unggoy sa dinaraanan ng pagong.

”Ano ang gawain mo? ”Hayun, babantayan ko ang pampaligo ng aking lolo. 
 

   Mapaghimala ang tubig na yaon. Nawawala

ang kanyang rayuma at pananakit ng kanyang likod pagkatapos niyang maligo.”

”Iyon pala! Iyon pala ang gamot sa rayuma at pananakit ng likod. Ngayon din ay maliligo ako.”

”Huwag! Huwag! Mawawalan ng pampaligo ang aking lolo. Pukpukin mo na ng bato ang aking ulo. Patayin mo na ako. Huwag mong kunin ang pampaligo ng aking lolo!”

Mabilis na itinulak ng unggoy ang pagong. ”Umalis ka riyan. Ako ang maliligo. Mauuna ako sa lolo mo. At tiyak na uubusin ko ang tubig.”

Mabilis na lumundag ang unggoy sa kumukulong tubig. At iyon ang wakas ng unggoy.   

 

WAKAS